Idinaos ang Division Festival of Talents (DFOT) 2026 sa Dolores District, sa pangunguna ni Rommel C. Bautista, CESO V, Schools Division Superintendent ng Division of Quezon. Nilahukan ito ng mga piling mag-aaral mula sa iba’t ibang paaralan sa dibisyon na may layuning ipagdiwang at ipamalas ang kahusayan, talento, at kakayahan ng mga mag-aaral sa iba't ibang larangan ng akademiko at sining.
Pinangunahan ni Jayson B. Libit, Dolores DFOT Focal Person, ang Presentation of Delegates kung saan pormal na ipinakilala ang mga kalahok at kanilang mga tagapagsanay, kasama ang mga namumuno ng bawat distrito.
Ipinahayag naman ni Gilbert C. Alva, Public Schools District Supervisor, sa kanyang Welcome Message ang taos-pusong pagtanggap sa lahat ng panauhin at delegado. Binigyang-diin niya ang patuloy na suporta ng distrito sa mga programang nagpapalakas sa kakayahan at kumpiyansa ng mga mag-aaral.
Nagpaabot din ng mensahe ng suporta si Orlan A. Calayag, Municipal Mayor ng Dolores, na nagpahayag ng buong pagsuporta ng lokal na pamahalaan sa mga gawaing pang-edukasyon. Ani niya, “Ang ganitong mga aktibidad ay nagpapatibay sa ugnayan ng paaralan at pamayanan at isa itong pambihirang pagkakataon upang makita at makilala ang mga batang Quezonian na may angking galing, talino, at talento.”
Nagbigay naman ng makabuluhang Inspirational Message si Lorena S. Walangsumbat, OIC-Assistant Schools Division Superintendent, na humikayat sa mga kalahok na ipakita ang kanilang pinakamahusay na kakayahan. Ayon sa kanya, ang Festival of Talents ay hindi lamang patimpalak kundi isang pagdiriwang ng husay at determinasyon ng kabataan.
Isinagawa rin ang Contest Orientation na pinangunahan ni Jaime F. Zara, Jr, Division FOT Focal Person, upang malinaw na maipaliwanag ang mga alituntunin at pamantayan ng bawat kategorya. Tiniyak niya na ang bawat patimpalak ay magiging patas, maayos, at naaayon sa itinakdang panuntunan ng dibisyon.
Pormal namang idineklara ni Roselyn Q. Golfo, Assistant Schools Division Superintendent, ang opisyal na pagbubukas ng DFOT 2026, kasabay ng pangsambit ng mga salita na nagpapaalala sa lahat ng kalahok na magbigay ng buong husay at galing sa kanilang sinalihan.
Sa kabuuan, naging matagumpay ang pagdaraos ng DFOT 2026 sa Dolores District, mula sa opening program na nagsimula ng ika-8 ng umaga hanggang sa closing program na nagtapos ng ika-7 ng gabi. Ang matagumpay na kaganapang ito ay nagsilbing patunay ng sama-samang pagsisikap ng mga guro, mag-aaral, at mga katuwang na institusyon sa pagsusulong ng de-kalidad na edukasyon sa Quezon.



All content is in the public domain unless otherwise stated.
Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.
Copyright © 2020 Department of Education DIVISION OF QUEZON
Template Designed: GOVPH | Developed and maintained by Rommel Oczon