Ni Meldine A. Hutamares
Mahigit 800 na delegadong guro sa Filipino mula sa apat na Distrito ng Quezon ang dumalo sa ika-16 na Gawaing Kapulungan ng Tagapagtaguyod ng Filipino sa Quezon (GATFILZON) na ginanap nitong nakaraang Agosto 5, 2023 sa Event Theater ng Pacific Mall, Lungsod ng Lucena.
Pinangunahan nina G. Joseph E. Jarasa, Education Program Supervisor sa Filipino, CID Chief Lorena S. Walangsumbat, at Elizabeth R. Zeta, Pangulo ng GATFILZON ang nasabing aktibidad na may temang “GATFILZON, Katuwang ang Komisyon sa Wikang Filipino at DepEd Quezon sa Pagtataguyod ng Diyalektong Quezonian Tungo sa Pagpapaunlad ng Wikang Pambansa”, kasama ang mga opisyales at mga kinatawan sa bawat distrito ng lalawigan.
Bilang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa at pagpapahalaga sa pananaliksik, tinalakay ni Senior Language Researcher ng Komisyon sa Wikang Filipino Roy Rene S. Cagalingan sa kaniyang panayam ang Maka-Pilipinong Pananaliksik. Ipinaliwanag niya ang kahalagahan ng pagtatanong para mas malaman at higit na maunawaan ang kultura ng isang lugar.
“Ang wika, kultura at kasasaysayan ay hindi mapaghihiwalay, at ang mga ‘yan ay magkakaugnay,” pagbibigay diin ni G. Cagalingan.
Gayundin, tinalakay ni G. Kirt John C. Segui, Translator II ng Komisyon sa Wikang Filipino, ang Katutubong Pamamaraan sa Pangangalap ng Datos. Inisa-isa niya ang tamang gawi at proseso ng pananaliksik.
“Dapat ang sinumang kalahok sa pananaliksik, lalo na ang kasapi ng mga katutubong pamayanang kultural ay hindi obheto/ ispesimen/ biktima. Sila ay bahagi ng aktibong mananaliksik ng sarili nilang kalinangan at kasaysayan,” paalala ni G. Segui.
Samantala, nagpamalas naman ng angking karunungan si G. Marciano R. Catapang, Dalubguro I sa Danlagan National High School, Agdangan, sa pagbabahagi ng kaniyang saliksik na “Pagbabanghay sa mga Salitang Ngani baya, Ka-a, Ka-mo: Isang Masusing Paglalarawan ng Dayalektong Tagalog-Quezon.”
Tampok sa kanyang presentasyon ang palaro kung saan sasabihin ang bayang pinagmulan ng mga ipapakita niyang salita o dayalektong Tagalog-Quezon na kaniyang nasaliksik. Ang mga nakasagot ay nabigyan ng papremyo.
Naging kapanapanabik ang Gawaing Kapulungan nang magkaroon din ng pa-raffle na nakamit naman ng bawat distrito. Nagkaroon din ng eleksyon para sa bagong pamunuan ng GATFILZON. Napagbotohan na si Gng. Evalor S. Refugia na dating ingat-yaman ng pamunuan ang magiging bagong pangulo.
All content is in the public domain unless otherwise stated.
Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.
Copyright © 2020 Department of Education DIVISION OF QUEZON
Template Designed: GOVPH | Developed and maintained by Rommel Oczon