Ni Remus Z. Villaverde
Ibinahagi ang kahalagahan ng paggamit ng sariling wika sa mga guro ng iba’t ibang Dibisyon ng Quezon sa ginanap na ika-16 na Gawaing Kapulungan ng Guro at Tagapagtaguyod ng Filipino sa Quezon o GATFILZON sa Pacific Mall, Lucena City, Agosto 5, 2023.
Tinalakay ni G. Roy Rene S. Cagalingan, Senior Language Researcher, ang tamang pagpili ng mga salitang gagamitin, partikular ang tamang katawagan dito gamit ang lokal na salita tulad ng Ling-ling-o na tawag sa mga makikita sa kuwentas, Fatek na tawag sa mga tatak na makikita sa katawan ng mga katutubo, Masjid na tamang tawag sa bahay dalanginan ng mga Muslim, Payyo na akmang katawagan sa Hagdan-hagdang Palayan at iba pang mga salitang hango sa wikang katutubo.
Binigyang diin din ni G. Cagalingan ang kahalagahan ng pagtatanong sa iba’t ibang tao, partikular sa mga lokal o katutubo ng isang lugar upang higit na malaman ang mga wastong katawagan na nagsisilbi ring isang paraan ng pananaliksik sa ating kultura.
“Kayo ay mga manggagawang pangkultura kaya ang wika, kultura at kasaysayan ay hindi magkahiwalay at ang mga ‘yan ay magkakaugnay,” Pahayag ni G. Cagalingan sa mga gurong kalahok. “Pahalagahan at mahalin ang sariling atin, ang bansa natin, upang higit mo itong makilala,” Dagdag pa niya.
Nagbigay din ng gawain si G. Cagalingan, kung saan ang mga guro ay susulat tungkol sa mga sagisag-kultura ng Quezon gamit lamang ang “search engine” ng sarili o pandama na maaaring mai-post o mai-tag sa Facebook page ng GATFILZON.
Nagkaroon naman ng pagkakataon ang ilang guro na makapagtanong sa kung ano pa ang nais nilang malaman tungkol sa paksa bilang pagtatapos ng unang bahagi ng talakayan.
All content is in the public domain unless otherwise stated.
Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.
Copyright © 2020 Department of Education DIVISION OF QUEZON
Template Designed: GOVPH | Developed and maintained by Rommel Oczon