DASMARIÑAS CAVITE. Mabilis na tinumbok ni Mhay Anne Joy Escama ng Quezon Dolphins ang kaniyang tiket para sa Gold Medal Match sa 8-Balls Girls Billiards matapos kumana ng 5-1 set iskor sa semis kontra sa pambato ng Lipa City na si Colene Cervera.
(Rack 1) Sargo ng Quezon matapos manalo sa lag, nahulog agad ang stripe 10-ball at sinamantala ang magandang kalat ng bola para maitala agad ang unang panalo, 1-0.
(Rack 2) Naging malamya ang break at walang nahulog na bola dahilan upang maitabla agad ng lipa ang iskor sa 1-1.
Tila nabuhay ang dugong kampeyon kay Escama matapos matalo sa rack 2 at pinasiklaban si Cervera sa 3rd Rack kung saan tumikada ng stripe balls hanggang sa mahulog ang black ball. 2-1.
Patuloy na pinagharian ni Escama ang laban sa 4th at 5th rack at hindi na nagpakita pa ng awa sa kalaban nang muli itong kumartada ng mga bola at kunin ang momentum ng semi finals match, 4-1.
Rack # 6, dry break ni Escama, pagkakataon ng Lipa cue princess na mailapit ang iskor ngunit hindi pa man nakararami ng bolang nahuhulog ay sumablay ito sa 12-ball dahilan upang muling mapasakamay ng Quezon Lady Dolphin ang lamesa at makopo ang laban sa iskor na 5-1 at masiguro ang slot sa championship game kontra sa pambato ng Antipolo City.
Samantala, bigo naman si Quezon Dolphin Justin Mataya na makopo ang tiket para sa championship sa 8-Ball Billiards Boys Division matapos mapayukod kay Albert James Manas ng Antipolo City sa kartadang 5-2.
Susubukan naman ni Mataya na masungkit ang Bronze Medal kung saan taga Antipolo City rin ang kaniyang makakatunggali. (Ulat at Larawan ni ARJAY A. ORIBIANA, SST I - Gumaca NHS)
All content is in the public domain unless otherwise stated.
Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.
Copyright © 2020 Department of Education DIVISION OF QUEZON
Template Designed: GOVPH | Developed and maintained by Rommel Oczon