Tulad ng maliwanag na bituin sa malamig na dilim ang inyong hatid sa panahong sinubok ang katatagan ng mga mahal nating paaralan. Sinambulat ng mapang-aping sigwang tulad ng mga bagyong Rolly at Quinta ang mga bubong at papel na nakisayaw sa ulan at buhangin, ngunit hindi napalad ang buong pag-asa at pakikipagkapwa natin. Binalot ng pangamba ang bawat tighim na dulot ng karamdamang sumakal sa atin. Subalit hindi tayo nabigo sa ating layon, na makapaghatid ng pantay at kalidad na edukasyon, sa kabayanan, kabundukan o mga isla man. Kaya sa ating pagdiriwang ng Kapaskuhan, paghariin pa rin natin ang damayan at pagmamahalan. Buksan natin ang ating mga puso at tanggapin ang pagdating ni Kristo na isinilang upang matubos ang kasalanan ng tao, ang Panginoong sa atin ay nagturo ng pag-ibig sa Dios at kabutihan sa kapwa tao. Sa ating mga sakripisyo sa paaralan at batang Quezonian, sa ating mga tungkulin na minsang pinagpuyatan, sa mga limitadong galaw na dulot ng pandemya, sa ating mga personal na pinagdadaanan, sa ating mga dasal na tila hindi napakikinggan, laging tandaan na ang Dios ay nariyan at hindi tayo pababayaan. Ang hanap-buhay natin ay pahalagahan habang sarili’y hindi pinababayaan. Magpahinga, kumain at tumawa kasama ng mga kaibigan. Patuluyin sa tahanan ang diwa ng Kapaskuhan; magbigayan tayo at ang mali ay iwasan. Mag-unawaan; magpatawaran; pag-ibig ay itanim sa bakuran.
Maligayang Pasko at masaganang Bagong Taon, mahal naming kawani at kaguruan!
-Elias A. Alicaya, Jr., EdD
OIC-Schools Division Superintendent
DepEd Quezon

All content is in the public domain unless otherwise stated.
Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.
Copyright © 2020 Department of Education DIVISION OF QUEZON
Template Designed: GOVPH | Developed and maintained by Rommel Oczon