ATIMONAN, QUEZON - Matindi ang depensang ibinigay ng mga manlalaro ng Unit II sa basketball sa isinagawang Division Athletic Meet noong Marso 4 – 5 matapos nilang masungkit ang unang puwesto sa basketball sa elementarya at sekondarya.
Kitang kita ang pagkauhaw ng distrito dos sa gawaing pampalakasan at makipagtunggalian sa larangan ng basketball sa iba pang manlalaro sa Sangay ng Quezon kung kaya’t binakuran ng mga manlalaro ng Unit II ang kampiyonato upang di na ito masilat ng ibang distrito.
“Round robin” ang ginamit na sistema ng basketball tournament ngayong taon kung saan ito ay naglalayong lahat ng koponan ay makatunggali ng bawat grupo at team standing ang siyang magiging batayan upang matukoy kampiyon at kakatawan sa Quezon sa panrehiyong paligsahan.
Nagsalpukan at nagpaligsahan ng liksi, lakas, bilis, at taktika ang apat ng distrito ng Quezon sa hardcourt upang masungkit ang pinakaaasam-asam na ginto sa 5 x 5 boys’ basketball elementary, 5 x 5 men’s at women’s basketball secondary, at 3 x 3 men’s basketball secondary.
Mainit ang naging tagisan ng sa boys’ basketball elementary sapagkat bawat koponan ay may parehong team standing na 2 – 0 at ang kanilang salpukan ang siyang tutukoy kung sino ang tatanghaling kampiyon.
Kapwa di matatawaran ang depensang ipinakita ng unit 2 at unit 3 sa labanang ito. Parehong nagpakita ng matinding pagnanais na maipanalo ang laro, subalit, kita ang kaba at tension sa distrito tres na naging dahilan ng sunod-sunod na pagmintis sa pagbubuslo ng bola at mga paglabag na nakikita ng referee. Napansin ito ng distrito dos kung kaya’t sinamantala nila ito at naungusan ang kalaban at nanalo, 54 – 34.
Samantala, inilampaso naman ng distrito dos ang iba pang distrito sa women’s basketball sa sekundarya matapos nilang itaob ang iba pang distrito sa basketball. Nakamit ng koponan ang team standing na 3 – 0.
Sa kabilang dako. Mahigpit naman ang labanan sa pagitan ng unit 1 at unit 2 sa men’s basketball sa sekundarya. Mahigpit ang depensa at teamwork ang ipinamalas ng bawat koponan, subalit, dahil sa sunod-sunod na free-throw, three-points at perimeter shots ng unit 2, naihatid ang unit 2 patungo sa kampiyonato, 90 – 69.
Halos masungkit na rin ng distrito dos laban sa unang distrito ang ginto sa 3 x 3 men’s basketball sa sekundarya matapos magpakitang gilas ito sa simula pa lamang ng salpukan, subalit, sa kalagitnaan ng laro ay nasira ang kanilang taktika at di makabuslo dahil sa biglaang pagbabago ng game plan at stratehiya ng kanilang kalaban. Dahil dito, nabigo ang unit 2 na makuha ang ginto dahil naungusan sila ng distrito uno at nakamit ang unang puwesto, 21 – 15.
Ang mga koponang nagkamit ng unang puwesto ang kakatawan sa Sangay ng Quezon sa Regional Athletic Meet. (Article and Photos by: EDILBERT L. CADELIÑA)



All content is in the public domain unless otherwise stated.
Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.
Copyright © 2020 Department of Education DIVISION OF QUEZON
Template Designed: GOVPH | Developed and maintained by Rommel Oczon