SARIAYA QUEZON- Nagpamalas ng husay sa paglalaro ang mga atleta sa goal ball gamit ang talas ng pakiramdam sa bawat pag buslo at pagsangga sa bola upang makapuntos o madepensahan ang kanilang goals sa kabila ng kanilang visual impairment sa Goal Ball Championship Game ng Palarong Quezon 2023, Marso 4, Sariaya East Covered Court.
Pinatunayan ng Unit 2 ang pagiging beterano sa laban sa pangunguna ni Ace player Jolo Remo,2-time STCAA qualifier, nang hindi na papormahin ang kalaban at kumamada ng 12 puntos, 5 blocks sa kabila ng kanyang mga piring.
Tuluyang isinarado ng Unit 2 ang laban,16 – 3, 4:45 minuto bago matapos ang nakatakdang 12 minutong kabuuan ng laban sa first half, dahil sa mahigit 10 puntos na kalamangan.
Umambag din ng 2 puntos at 2 blocks si Avril Lerene P. Lorena samantalang may tig isang puntos at 2 blocks sina Venice Caagbay at Joros Cusi ng Unit 2.
Nagrehistro naman ng 3 sunod sunod na puntos si Christian Jun C. Marasigan ng Unit 1 mula sa mabibilis nitong pagpapagulong ng bola sa court dahilan upang tumawag ng time-out ang Unit 2 para sa bagong taktika sa pagharang sa bola at pagpasok ng bagong manlalaro.
Nagdagdag naman ng 1 block para sa Unit 1 si Athena Mikaela Nada subalit ang kanilang kakapusan sa paghahanda, pagiging baguhan sa laro at kakulangan sa pagiging buo bilang isang team ang naging dahilan sa kanilang paglugpo sa laro.
Talon, sigawan at palakpakan sa mga magulang at manood ang namamayani sa bawat goal at pagblocks ng mga nakapiring na manlalaro na kapuwa mga visually impaired.
Matatandaang ang larong goal ball ay nakadesenyo sa mga atleta sa Special education na pawang may mga impairment sa mata subalit may maliliksing extremities at malakas na pakiramdam sa bawat paggulong ng bola.
Pagdinig sa bolang gumugulong na naglalabas ng isang makalansing na tunog ang kanilang inaabangang mapigilang makapasok sa goal ng kalaban kayat ang katahimikan sa court ay pinananatili upang hindi makaabala sa laro.
Patingkayad, patagilid na paghiga, paupo at pa-slide na posisyon ang ginawa ng magkabilang koponan sa buong laban sa kanilang pagpigil sa bawat bolang gumugulong.
Sa kabila ng pagkapanalo, nahirapan din ang Unit 2 sa buong laro sa kanilang mga errors at penalties. Samantalang umani naman ng papuri ang losing team na kumuha ng mga bagong karanasan para sa mga susunod nitong laban.
“Focus lang po talaga sa bola, ‘yun lang po talaga ang susi para ma-block po ang bola at makapuntos, medyo nahirapan po kami sapagkat halos 3 taong sunod-sunod po kaming di nakapaglaro” wika ni Remo.
Nagsilbing tagapagsanay ng grupo si Fionna Mariey P. Lorena na dati ring manlalaro ng Unit 2 at kasalakuyang miyembro ng Philippine Goal Boal Team, samantalang tumatayong coach si Jesse Leslie O. Quindoza na pawang mga Sariayahin.
Sinubukan ding laruin ng mga officiating officials ang nasabing laro gamit ang mga piring at goggles matapos ang championship game at tunay ngang kahit sila ay nahirapan. (STORY AND PHOTOS: Jennie H. Muñoz and Rodel D. Briones, Candelaria West)



All content is in the public domain unless otherwise stated.
Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.
Copyright © 2020 Department of Education DIVISION OF QUEZON
Template Designed: GOVPH | Developed and maintained by Rommel Oczon