Sinimulan ng Unit 3 BonPen ang agresibong laro sa iskor na 31-9 pamamayani laban sa Unit 2 San Antonio sa pagsisimula ng Palarong Quezon 2023 na ginanap sa San Antonio Quezon kahapon.
Inakay ni Ravin E. Amante ang BonPen matapos niyang mag-homerun ng tatlong sunod sunod at dalawang strikeout sa bawat hampas niya ng gamit n’yang bat upang makuha ang ninanais na kampeonato.
“Ah, ano po siya. Dahil sa effort ng bawat isa at don sa pinagpaguran at pinaginitan, pagod ah sulit yung pagod namin,” ani ng coach ng BonPen sa laro ng kanilang grupo.
Hindi natinag ang San Antonio sa 1st top inning ng kompetisyon nung matamaan sa likod ang kanilang manlalaro na si Philip Carait kahit maluha luha na itong pumunta sa unang base.
Dahil dito, kahit na may mga miyembro ng BonPen ang natatamaan din ng bola, hindi pa rin sila napigilan na ipakita ang kani-kanilang lakas na naging dahilan ng sunod sunod nilang pag-iskor sa 1st inning bottom, 17-3.
Sa 2nd bottom inning ng BonPen ay naging matamlay ang kanilang laro dahil sa simula pa lang ay may na-out na agad sa kanilang base, isa na rito si John Lee Ramirez.
Sa ingay ng kanilang tagasanay, nagising ang kanilang diwa kung kaya’t naging sunod sunod ang manlalaro ng BonPen sa kanilang mga base at ng makarating sa homebase ang numero kwatro na si Mark Dave A. Ongotan ay dumila pa ito dahil hindi siya naabutan ng kalaban.
Dumating ang 4th top inning at si Carait ay muli na naman siyang natamaan sa likod at ito ay tuluyan nang umiyak kung kaya’t siya ay pinalitan ni Jean Kean Guce, ngunit siya pala ay kasali sa siyam na papasok sa laro kaya siya ay naging illegal runner dahilan ng muntik pang kaguluhan sa torneyo dahil hindi raw sinabi ng mga scorers.
Matamlay nang lumaro ang San Antonio sa 5th top inning dahil sa pagod kaya sunod sunod ng na-out ang mga manlalaro nila, kaya tinanghal ng panalo ang BonPen dahil sa iskor na 31-9.
Aasintahin ng Unit 3 BonPen ang Unit 1 Pagbilao bukas, March 5, sa San Antonio Quezon para sa kampeonato ng Division Meet.
Samantala, tinuldukan ng Pagbilao ang kasiyahan ng Alabat sa Palarong Quezon, Elementary Baseball.
Ginulantang ng Unit 1 Pagbilao ang Unit 4 Alabat upang mapasakamay ang tagumpay, 15-11 sa Palarong Quezon Baseball Tournament para sa elementarya na ginanap sa San Antonio Quezon, kahapon.
Kasabay ng mainit na panahon, ang malamyang pagsisimula ng grupo ni Jervin Lavita ng Pagbilao ngunit nakahanap siya ng butas upang malusutan ito dahil isa siya sa nagkaroon ng kontribusyon sa kanilang grupo.
“Ay siguro yung ano din, yung una ay ability, isa. Pagkatapos ay pangalawa ay yung medyo magandang panahon, pangatlo ay yung preparasyon” ani coach ng Pagbilao tungkol sa naging kalamangan ng grupo nila sa katunggali.
Walang naitalang iskor sa 1st top inning ng Pagbilao, ayon sa mga nanonood, dahil ito sa baguhan pa lamang sila, hindi pa mahusay ang mga manlalaro, at masyado pang bata dahil may mga baitang apat pa sa mga manlalaro nila ngunit kung mahahasa ay gagaling ang mga ito.
“Natutulog ka d’yan,” ani ng tagasanay ng Alabat dahil hindi makahampas si John Marco Gliane kaya hindi nakakaalis sa 3rd base nila ang kaniyang kasapi sa 1st bottom inning ng torneyo.
Nabuhay ang kagalingan ng Pagbilao sa 2nd top inning na sinimulan ni Xander Liwag at Jerome Panopio kaya nagkaroon sila ng iskor na 4-5, lamang ng isa ang Alabat.
Natamaan sa bandang kilikili si John Matthew ng Alabat kaya nasabihan siyang “ ‘wag kang umiyak umiyak d’yan.”
Upang magdikit ang iskor ng Pagbilao at Alabat, isang malakas na hampas ang ginawa ni John Matthew ng Alabat sa bola kaya’t siya ay naka-homerun, 9-9 dahilan upang sila ay makampante.
Hindi pumayag ang Pagbilao na malamangan pa sila ng Alabat kaya isang malakas na palo ang iginawad ni Lavita at nagtagumpay naman siya upang makuha ang kaniyang unang homerun.
Sa kasamaang palad, sa huling parte ng laro ay hindi na nakayanan ng Alabat ang pag-out ng kanilang mga manlalaro ngunit isang iskor naman ang iniwan ni John Matthew para sa kanilang grupo.
Susubukang sukbitin ng Pagbilao ang tagumpay bukas, March 5, laban sa BonPen upang makapasok sa Regional Meet.



All content is in the public domain unless otherwise stated.
Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.
Copyright © 2020 Department of Education DIVISION OF QUEZON
Template Designed: GOVPH | Developed and maintained by Rommel Oczon