Sa pagsipol ng hanging habagat sa dalampasigan ng kawalang-kasiguruhan, nananatiling panatag ang aking damdamin habang nagmamasid sa paligid. Sa pagpinid ng liwanag sa dapit-hapon, ang aking puso ay puno ng pag-asa para sa muling pagsilip ng haring araw at paghalik ng init nito sa sangnilikha. Sa pakikidigma natin sa pinangingilagang salot na kamatayan ang hatid sa ating mga tahanan at takot sa dibdib ng musmos o matanda, nakatupi ang aking mga tuhod at nagdadaop ang aking mga palad habang buong-tiwalang nananalig sa plano ng Maylikha, at isinusuko ang aking kahinaan sa Mesias na isinilang sa araw ng Kapaskuhan. Mahal kong DepEd Quezon, marami tayong naranasang pasakit at kasiyahan sa nagdaang taon. Ang mga dagok sa sektor ng edukasyon ay sumubok sa ating katatagan at pagtutulungan—ang trumpo ng mga bagyong animo’y nagsasayawan nang walang patid at gumupo sa mga paaralan, ang banta sa kalusugan at kaligtasan ng pamayanan lalo’t higit ng mga mag-aaral, at ang hamon ng paghahatid ng mga kagamitang panturo at suportang teknikal sa pinakamalalayong sulok ng probinsya. Ganunpaman, kapit-bisig nating tinawid ang rumaragasang tubig-tabang. Sama-sama nating tinahak ang matatarik at mapuputik na landas, mapadama lamang sa ating mga paaralan ang ating pagbibigay-sarili para sa kapakanan ng mga mag-aaral, anuman ang katayuan sa buhay, kakayahan, kasarian, relihiyon o etnisidad. Ngayong taon, inilapit natin ang tanggapan ng Dibisyon sa mga paaralan. Bukod sa opisina sa Pagbilao, nagtayo tayo ng tatlong ‘sub-offices’ sa mga istratehikong lokasyon: sa Catanauan, sa Gumaca, at sa Real. Sa pamamagitan ng Project DeVOLVES (Deconcentration of Vital Operations for Leveraging Volumes of Education Services), ipinakita ng ating tanggapan ang pagpapahalaga nito sa mga Paaralan sa Huling Milya o ‘Last Mile Schools’. Pinakinggan natin at tinugunan ang inyong mga komento at suhestyong hindi mapasusubalian ng ating mga kwentuhan at huntahan. Patuloy nating pinagbubuti ang paghahatid ng serbisyong medikal higit sa panahong ito, gayundin ang dekalidad na edukasyon gayong ang mga pagsubok ay nananatili. Higit sa lahat, lalo pa nating pinagbubuti ang pakikipagbalikatan sa lokal na pamahalaan, mga pribadong organisasyon at indibidwal, at mga kaagapay na ahensya ng gobyerno. Patunay sa balikatang ito ang unti-unting pagdami ng mga paaralang lumalahok sa limitadong ‘in-person classes’ sa ating mga distrito. Sa pagdiriwang natin ng Kapaskuhan, huwag nating kalimutan ang ating mga tagumpay, mga tagumpay na nakamit sa bisa ng kaisahan at pananalig sa Poong Maykapal. Magpatawaran sa mga kamaliang nagawa sa isa’t isa. Magmahalan dahil Pag-ibig ang hatid ni Kristo sa kanyang Pagsilang. Sinasabi sa 1 Juan 4:7, “Mga minamahal, mag-ibigan tayo sapagkat mula sa Diyos ang pag-ibig. Ang bawat umiibig ay anak ng Diyos at kumikilala sa Diyos.” Bigyan ng oras ang pamilya at sabihin sa magulang o anak na mahal natin sila. Kumain at magtawanan kasama ang mga kaibigan. Ilibre mo ang iyong sarili paminsan-minsan dahil pinagpawisan mo ang bawat sentimong nasa iyong bulsa. Maging mabuti sa kapwa araw-araw dahil tulad ng bukas, ang buhay natin ay hindi tiyak. Hangad ko ang kasiyahan ninyong lahat sa Araw ng Pasko. Nawa ang inyong mga pamilya ay biyayaan pa ng maraming pagpapala sa darating na taon. Hiling ko rin lagi sa Maykapal ang inyong kaligtasan sa paggampan sa tungkulin sa kabuhayan at pamilya. Manapa’y tuluyang maglaho sa kawalan ang pandemyang bumabagabag sa ating lipunan. Maligayang Pasko po at Masaganang Bagong Taon sa inyong lahat! Nagmamahal, SIR ELI

All content is in the public domain unless otherwise stated.
Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.
Copyright © 2020 Department of Education DIVISION OF QUEZON
Template Designed: GOVPH | Developed and maintained by Rommel Oczon